KATUTUBONG PAMAYANAN NG MGA MANGYAN
"Ang mga katutubong mamamayan ay may karapatang isabuhay at pasiglahin ang kanilang tradisyon at kaugalian. Kasama na rito ang karapatang pangalagaan, protektahan, at palaguin ang nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap na mga pagpapakita ng kanilang kultura, tulad ng mga arkeolohiko at makasaysayang lugar, mga artifact, disenyo, seremonya, teknolohiya, at sining na biswal at pagtatanghal, at panitikan. "
Article 11, UN Declaration on the Rights of Indigenous Peoples
Mangyan Iraya
Inilarawan ni Estel (1952) ang Iraya na may kulot o medyo-kulot na buhok, at maitim ang balat, ngunit di kasing-itim ng Negrito.
Noong sinaunang panahon, ang tradisyunal na kasuotan ng Iraya ay gawa sa tuyong balat ng puno, pinupukpok upang maging patag at malambot. Karaniwang naka-blusa at palda ang mga babae at naka-bahag na gawa sa tela naman ang mga lalaki. Ngayon, nakadamit ang mga Iraya gaya ng mga taga-patag. Mas madaling mahanap ang mga yaring damit kaysa sa kanilang tradisyonal na kasuotan (Uyan, 2002).
Sanay din ang mga Iraya sa paghahabi nito (mga baging sa kagubatan). Ang mga handicraft tulad ng mga bayong, tray, plato at tasa na may iba't ibang laki at disenyo ay ibinebenta sa mga lowlander.
Nabubuhay sila sa palay, saging, kamote, at iba pang pananim na ugat.
Iraya Mangyan students
Mangyan Alangan
Hango ang taguring na ‘Alangan’ sa pangalan ng isang ilog at mga dalisdis ng bundok sa itaas na Libis Alangan (Leykamm, 1979).
Tradisyunal na suot ng kababaihan ang palda na tinatawag na lingeb, na gawa sa mahabang lala ng nito (baging galing gubat), at nakapulupot sa beywan. Isinusuot lingeb kasama ng bahag na tinatawag na abayen. Ang pang-itaas na kasuotan naman ay tinatawag na ulango, na ginawa mula sa dahon ng ligaw na buli. Kung minsan, isinusuot sa ibabaw ng ulango ang isang pulang panyo na kung tawagi'y limbutong. Sa kabilang banda, ang mga lalaki ay nagsusuot ng bahag na may mga palawit sa harap.
Ang mga Alangan Mangyan ay nnagkakaingin, na binubuo ng labing-isang yugto. Dalawa sa mga ito ay ang paglagay ng pananggang subog (agait) at ang pagpapahinga sa lupa (agpagamas). Ang isang pananggang subog ay ginawa upang ang apoy ay hindi lalampas sa hangganan ng kaingin kung saan ang mga halaman ay lubusang tuyo at handa nang masunog. Dalawang taon pagkatapos ng paghawan, karaniwang itinitigil ang pagtatanim sa kaingin at hinahayaang sumukal at maging gubat muli (Quiaoit, 1997).
Gaya ng iba pang grupo ng mga Mangyan, kilala rin sa mga Alangan ang panganga. Nginunguya nila ito nang buong sigasig mula umaga hanggang gabi; at sinasabing di sila nakakaramdam ng gutom habang ngumunguya ng Nganga (Leykamm, 1979). Gayunpaman, ang pagnguya ng Nganga ay may sosyal na dimensyon. Ang pagpapalitan ng mga sangkap ng Nganga ay nangangahulugan ng pagtanggap sa pamayanan.
Mangyan Tadyawan
Noong nakaraan, naka-bahag ang kalalakihan na tinatawag na abay, habang suot ng kababaihan sa pang-itaas ang pulang telang saplot na tinatawag na paypay, na nakapaikot sa dibdib. Para sa pang-ibabang saplot, binalot nila ang beywang sa isang puting tela na tinatawag na talapi. Bilang palamuti, nagsusuot ang kababaihan ng makukulay na pulseras at kuwintas na gawa sa manik.
Ngayon, bihirang makitang nakasuot ang kababaihan ng kanilang tradisyonal na kasuotan, kahit na ang ilang kalalakihan ay nagsusuot pa rin ng abay.
Tulad ng iba pang grupo ng mga katutubong Mangyan, ang Tadyawan ay umaasa sa kanilang pagkakaingin para mabuhay. Palay pankatihan, saging, kamote, at ube ang kanilang pangunahing pagkain. Nagtatanim din ang iba ng punong namumunga tulad ng rambutan, kalamansi, at kape sa kanilang kaingin.
Mangyan Bangon
May sariling kultura at wikang natatangi sa ibang mga katutubong grupo ang mga Mangyan Bangon.
Iginiit nila na pang-walong pangunahing katutubong grupo sa halip na isang bahagi ng grupong Tau-buid.
Sa isang pulong noong ika-28 ng Marso 1996, kasama ang mga Buhid Mangyan sa Ogom Liguma, nagpasya silang tanggapin ang salitang Bangon bilang tawag sa kanilang katutubong grupo.
Mangan Tau-buid
Kilala ang Tau-buid bilang naka-pipa ng tabako.
Karaniwang nakabahag ang mga lalaki at babae. Sa ilang lugar na malapit sa kapatagan, binabalot ng mga babae ng telang may haba na hanggang tuhod ang kanilang bra ginawa sa balat ng kahoy. At nagsusuot naman ang mga lalaki ng tela sa halip na balat ng kahoy. Ang kasuotan galing sa balat ng kahoy ay isinusuot ng kalalakihan at kababaihan bilang panloob at ginagamit din nila na pang-hedban, pambabaeng saplot sa dibdib at pangkumot. Ginawa ang tela sa pamamagitan ng pagkuha, paghampas at pagpapatuyo sa panloob na balat ng ilang mga puno (Pennoyer, 1979).
Mangyan Buhid
Kilala ang mga Buhid sa paggawa ng palayok. Ang ibang namang tribo ng Mangyan, tulad ng Alangan at Hanunuo, ay bumibili ng kaldero sa mga Buhid. Ang salitang Buhid ay literal na nangangahulugan ng "mga naninirahan sa bundok" (Postma, 1967).
Nagsusuot ang kababaihang Buhid ng hinabing itim at puting bra na tinatawag nilang linagmon at isang itim at puting palda na tinatawag na abol. Nagsusuot ang kadalagahan ng palamuti sa katawan tulad ng isang tinirintas na sinturon (lufas), asul na sinulid na hikaw, hedban na manik (sangbaw), pulseras na manik (uksong), at kuwintas ng manik (siwayang o ugot). Nakabahag naman ang kalalakihan. Upang mapaganda ang katawan, ang mga lalaki ay nagsusuot ng palamuti gaya ng mahabang kuwintas, sinturon sa leeg (ugot) at pelseras ng manik (uksong). Gumagamit ang parehong kasarian ng bayong na tinatawag na bay-ong para sa mga gamit-personal tulad ng suklay at kutsilyo (Litis, 1989).
.
Kagaya ng mga Hanunuo, ang mga Buhid sa ilang mga lugar ay may sistema ng sulat-baybayin bago pa dumating ang mga kastila.
.
Mangyan Hanunuo
Para sa mga Hanunuo, ang pananamit (rutay) ay isa sa pinakamahalagang pamantayan sa pagkakaiba ng Mangyan sa di-Mangyan (damuong). Nakasuot ng tela (ba-ag) at kamiseta (balukas) ang lalaking Hanunuo-Mangyan. Nakasuot ang kababaihan ng maiksing paldang indigo (ramit) at isang blusa (lambung). Marami sa mga tradisyonal na istilong kamiseta at blusa ay may burda sa likod na may disenyong tinatawag na pakudos, batay sa hugis ng krus.
.
Matatagpuan din ang disenyong ito sa kanilang mga bag na gawa sa dahon ng buli at nito (baging sa gubat), na tinatawag na bay-ong. Nakasuot ang parehong kasarian sa kanilang baywang ng ratang sinturon, na may bulsa (hagkos). Tradisyonal na istilo para sa isang lalaki ang pagiging mahaba ang buhok. Nakatali ito sa isang lugar sa likod ng ulo gamit ang isang telang puyod na tinatawag na panyo. Mayroon ding mahabang buhok ang kababaihan na kadalasang nakasuot ng hedban. Sa lahat ng edad at parehong kasarian, mahilig magsuot ang Hanunuo ng mga kuwintas at mga pulseras na yari sa manik (Miyamoto, 1985).
Noong sinauna, nagtatanim sila ng mga puno ng bulak, at mula sa mga ito, nakakuha ng sangkap na materyales, na kanilang hinahabi sa isang payak na panghabi na tinatawag nilang harablon. Tinatawag naman ang proseso ng paghabi na habilan. Nagsisimula sa pagtitipon ng mga bolang bulak at pag-iipon ng mga ito upang matuyo sa isang patag na basket (bilao). Pagkatapos, ang mga buto ay tinanggal at ang bulak ay inilalagay sa isang banig at pinupukpok ng dalawang patpat upang maging pino. Pagkatapos, inilalagay ang bulak sa loob ng isang lalagyan na gawa sa mga tangkay ng saging (binuyo) at hinabi.
Ang kilalang antropologo na si Harold Conklin ay gumawa noong 1953 ng malawak na pag-aaral sa sistema ng agrikultura ng Hanunuo-Mangyan. Nagsasaka sa kaingin ang Hanunuo-Mangyan. Iba ang ganitong uri ng pagsasaka sa pagkakainging ginagawa ng mga di-Mangyan, na kadalasan, lubhang mapanira kapag ito ay ginagawa nang walang maayos na pag-iingat upang maiwasan ang pagkalat ng apoy sa mga nakapaligid na halaman. Sinusunod ang panahon ng itinitiwangwang ang lupa para mapanumbalik ang kasukalan. Ayon kay Conklin, mahusay na pinangasiwaan ng Mangyan ang kanilang kaingin. Noong 1995, halos kalahating siglo pagkatapos ng pagsasaliksik ni Conklin, isang pag-aaral sa sistema ng pagsasaka sa kaingin ng mga Hanunuo-Mangyan ang isinagawa ni Hayama Atsuko. Nagpatunayan niya na ang paraan sa pagsasaka ng Hanunuo Mangyan ay napipigilan ang pagkasira ng lupa sa kabila ng katotohanan na ang pagkasira ng lupa sa kagubatan ay nakikita ngayon sa kanilang teritoryo dahil sa iba't ibang mga kadahilanan. .
Kasama ang kalapit na mga Buhid sa hilaga, ang Hanunuo ay gumagamit ng sistema ng panulat bago ang Espanyol, na itinuturing na nagmula sa Indic, na may mga karakter na nagpapahayag ng mga bukas na pantig ng wika (Postma, 1981). Ang sistemang panulat na baybayin, tinatawag na Surat Mangyan, ay itinuturo sa ilang mga paaralan ng Mangyan sa Mansalay at Bulalacao.
Mangyan Ratagnon
Nagsusuot ang mga babaeng Ratagnon ng tela na nakabalot mula sa baywang hanggang sa tuhod. Samanatala, ang ilang kalalakihan ay nakasuot pa rin ng tradisyonal na bahag. Gawa sa hinabing nito (baging galing kagubatan) ang pantakip sa dibdib ng mga babae. Nagsusuot din sila ng mga palamuting gawa sa mga kuwintas at tansong alambre.
Nagsusuot ang kalalakihan ng dyaket na may simpleng mga burda sa panahon ng magarang okasyon at may dalang batong pandiklap, pagkislap, at iba pang kagamitan para sa paggawa ng apoy. Nagsusuot ang parehong kasarian ng mga nakapaikot ng ratan sa baywang. Tulad ng ibang mga tribo ng Mangyan, may dala sila na pang-nganga at mga sangkap nito sa lalagyang kawayan.